Taon-taun, binabatikos ng ilang mga fans ang mga Pambansang Kasuotan ng ating kandidata sa Big4 Pageants. Bakit nga ba ganito ang sitwasyon parati? Tunay nga bang walang kasiyahan ang mga panatiko sa atin? O sadyang may mga mali sa mga sangkap ng kasuotan na ginamit ng ating mga kandidata?

 

Noong nakaraang taon, ang tanging pambansang kasuotan sa Big4 na binatikos ng husto ay ang ginamit ni Ariella Arida sa Miss Universe. Sa Dances of the World, si Megan Young ay pinuri sa pinili nyang kasuotan. Marami ang nagsasabi na iyon ay angkop at sadyang pinapakita nito ang tunay na kultura ng Pilipinas. Mas natuwa ang ating mga kapatid na Maranaw kung saan itinuring nila na isang pagpugay sa kanilang kultura ang suot ni Megan.

 

Si Angelee naman ay gumamit din ng hawig na kasuotan. Ngunit ‘ika nga eh, mas daring, ang desinyo nito. Pinuna ng ibang kritiko na ito ay maka-moderno ngunit ang diwa ng kultura ng Pilipinas ay naipamalas pa rin. Si Bea naman sa Miss International ay nagkaroon ng neutral na kritisismo sa kanyang suot dahil marahil sya ay nanalo. Pero higit sa lahat, naipamalas na rin ng suot ni Bea ang simbolo ng Pilipinas sa kanyang baro’t saya.

PHNC

Kaya’t ating balikan – bakit masyadong pinintasan ang suot ni Ariella? Una, nagkaroon ng kakaibang elemento sa disenyo. Ang mahabang balahibo na inilagay sa buhok ni Ariella ay simbolo ng Timog Amerika at hindi ng Pilipinas. Pangalawa, ang simpleng disenyo at mapusyaw na kulay ay lalong nagpalala sa sitwasyon.

 

Ang pambansang kasuotan ng ating mga kandidata sa Big4 ay may malaking halaga para sa mga panatiko. Ito ay simbolo ng ating bansa at dito maipamalas ang pagiging malikhain ng mga Pilipino. Kung ang ating pambansang kasuotan na ginagamit sa internasyonal na patimpalak ay kulang sa kalidad o hindi maayos ang pagka-dibuho, ito ay isang insulto sa kultura natin bilang Pilipino. Dapat mag-ingat ang ating mga pambansang organisasyon sa pagpili at pagdesinyo ng mga Pambansang Kasuotan. Alalahanin nila na ang ating mga kandidata ay kinatawan ng ating bansa at para maiwasan ang pagpipintas, dapat nilang piliin ang kasuotang angkop, kaaya-aya sa paningin at tunay na repleksyon ng ating bansa.

NO COMMENTS