Mukhang mahihirapan ang Pilipinas na makamit ang korona sa alin man sa Big5 na patimpalak ng pagandahan sa taong ito. Bilang isang beauty superpower at pagkatapos ng sunod-sunod na pagkapanalo simula noong 2013, ang Pilipinas sa ngayon ay humaharap ng mga malalaking hamon.
Sa Miss Universe, mukhang naubos na ang swerte ng Pilipinas at talagang malalakas ang mga katunggali ni Rachel Peters lalo na ang mga kandidata mula Thailand, Indonesia, Brazil at South Africa. Si Rachel Peters din ay galing sa kampo ng KF (Kagandahang Flores) at ang mga dalubhasa sa patimpalak ng pagandahan ay nagsasabi na noong huling taga-KF ang kinatawan natin sa Miss Universe, hindi na nakapasok ang Pilipinas sa Top 5. Meron ding nagsasabi na maaaring sa taong ito, magpahinga muna ang Pilipinas mula sa pagkasunod-sunod na pagpasok nito sa semis ng Miss Universe mula pa noong 2010.
Sa Miss International naman, tila mas inaatupag pa ni Mariel de Leon ang pulitika at showbiz kaysa paghandaan ang patimpalak. Hindi siya nakinig sa payo ng nakararami na iwasan muna ang mga isyu na naghahati sa mga Pilipino dahil siya ay isang kinatawan ng bansa. Ang Miss International ay ayaw ng mga kontrobersya at pulitikahan. Ang ginagawa ni Mariel na magpaskil ng kanyang mga sariling opinyon sa social media tungkol sa mga kontrobersyal na isyu ay isang bagay na marahil hindi ikakatuwa ng mga organizers.
Hindi nagtatapos ang problema ng Pilipinas sa dalawang patimpalak lamang. Kahit sa Miss Earth, parang dehado ang Pilipinas. Hindi lingid sa ating kaalaman na karamihan sa mga Pilipino ay hindi sang-ayon sa pagkapanalo ni Karen Ibasco bilang Miss Philippines Earth 2017. Siya ay magaling sa pagsagot ng katanungan pero mas marami ang ‘di hamak na mas maganda at mas may appeal kaysa sa kanya. Sunod-sunod na rin ang pagkapanalo ng mga Pilipina sa Miss Earth at mukhang hindi na kapani-paniwala kung mananalo si Karen bilang Miss Earth 2017 lalo na’t marami siyang malalakas na katunggali.
Ang kinatawan ng Pilipinas para sa Miss World 2017 ay hindi pa nakoronahan pero 2016 pa lamang, hindi na maganda ang mga nangyayari. Maraming Pilipino ang galit na galit nang hindi nanalo si Catriona Gray at hindi pinalagpas ng mga fans ang pagkakataon para maparating ang kanilang galit sa Miss World Organization. Binaha ng negatibong komento ang social media accounts ng Miss World. Ang national director na si Cory Quirino ay nagbitiw na rin at alalahanin natin na sa kanyang termino nagkaroon tayo ng Miss World at ni minsan ay hindi tayo naligwak sa semis.
Sa Miss Supranational ay masasabing may magandang pag-asa tayo. Si Chanel Olive Thomas ang ating kinatawan at ang mga kritiko ay walang masabi sa kanya maliban sa pagpuri. Ngunit base sa mga nakalipas na taon, tila hindi na matunog ang pangalan ng Pilipinas sa Miss Supranational. Hindi na masyadong napapansin ang ating mga kandidata at baka matagal pa na panahon ang ating hihintayin bago masundan si Mutya Datul.
Pero ika nga, mahirap magsalita ng tapos. Marami pa ang mangyayari at ang ating mga kandidata ay puspusang nag-eensayo para sa kani-kanilang patimpalak. Ang Pilipinas ay isa na sa mga hinahangaang bansa kung pagandahan ang pag-uusapan. Malakas pa rin ang tinatawag na sash weight ng bansa at dahil milyun-milyong Pilipinong fans ang interesado sa mga beauty pageants, hindi pa rin siguro basta-bastang mabigo ang ating mga kandidata. Datapwat hindi pa rin natin maitatanggi na sadyang maraming hamon na dapat harapin ang Pilipinas ngayong taon.