Ang kuwento sa likod ng pagkabigo ni Bianca Guidotti

 sa Miss International 2014


 

Bea Rose Santiago at si Mary Anne Bianca Guidotti
Bea Rose Santiago at si Mary Anne Bianca Guidotti sa nakaraang Miss International 2014 sa Tokyo, Japan. Litrato ni: Stephen I. Diáz

Dalawang pangyayari ang maaring hindi makalimutan ni Bianca Guidotti bago pa man siya sumabak sa patimpalak na Miss International 2014. Ang unang pangyayari ay ang harapang pagbigay puri ni Madame Stella Marquez de Araneta kay Bianca. Kuwento ng isang tao na nasa loob mismo ng Bb. Pilipinas, sinabi raw ng Pambansang Direktor na mas maganda pa si Bianca kung ikumpara ito sa kay Bea Rose Santiago, ang nanalong Miss International 2013.

166
Mary Anne Bianca Guidotti kinoronahan bilang Binibining Pilipinas International 2014 ni Bea Rose Santiago – Miss International 2013 sa nakaraang Binibining Pilipinas 2014 sa Smart Araneta Coliseum noong ika 30 ng Marso Taon 2014. Litrato ni: Bong Tan


Ang pangalawang pangyayari ay nasaksihan ng buong bansa. Sa isang panayam, ibinulgar ni Bea Rose ang kanyang sekreto kung paano sya nanalo ng korona. Si Karen Davila ang tagapagpanayam at nandoon din si Bianca. Sinabi ni Bea Rose na pinag-aralan nya ang gusto ng mga Hapones sa isang babae at ginaya nya ito. Bumaling naman si Karen na kung ganoon, maaring ang personalidad ng isang sumasali sa patimpalak ay magiging iba na at hindi na ang sarili nito ang ipinapakita sa publiko.

 

Ang dalawang pangyayari na ito ay maaring humubog sa pagkatao ni Bianca nang siya ay sumali sa Miss International 2014. Nang sinabi ni Madam Stella na mas maganda pa si Bianca kaysa kay Bea Rose, nagpapahiwatig ito na mataas ang ekspektasyon kay Bianca, hindi lamang ng Bb. Pilipinas, kundi ng publiko. Nang narinig naman ni Bianca ang sinabi ni Bea Rose sa panayam nila kay Karen Davila, doon naman nagkaroon ng ideya si Bianca na ang sekreto para makuha ang korona ay ang pagpakita ng pekeng personalidad at hindi ang tunay mong pagkatao.

 

15748909766_a25a129a7c_b
Mary Anne Bianca Guidotti sa nakaraang Miss International 2014 sa Tokyo, Japan. Litrato ni: Stephen I. Diáz

Walang dapat sisihin sa pagkatalo ni Bianca at sa di pagkasali nito sa Top 10 kahit na inako pa ni Jonas Gaffud ang sisi at kahit pa na sinabi ng mga panatikong tagasunod na ang damit ni Bianca ang dahilan. Ngunit hindi natin pwede ipagsawalang-bahala ang katotohanan na ang naramdamang paggigipit kay Bianca ang naging sanhi ng kanyang pagkatalo.

Halatang nahirapan si Bianca at nagipit ito. Sa isang pagkakataon, idinaan muna si Bianca sa ospital dahil nagkaroon ito ng karamdaman. Nang siya ay sumali sa isang pampublikong talumpati, halata na si Bianca ay may dinadaramdam, pagod at nagigipit. Ang mataas na ekspektasyon at ang pangangailangang magpakita ito ng kakaibang personalidad sa madla ay nagbigay ng mabigat na pasanin sa balikat ni Bianca.

Tapos na ang Miss International 2014 at wala ng magagawa pa tayo para maiba ang naging resulta nito. Ngunit isang aral ang pwede nating mapulot. Ang pakiramdam na ikaw ay ginigipit ay parating nasa isang patimpalak. Ang malaking tanong ay kung paano natugunan ito. Sa kaso ni Bianca, ang kanyang pagkatalo at di pagpasok sa Top 10 ay isang malaking sagot sa kung paano niya dinala ang pagigipit sa kanya.

5 COMMENTS

Comments are closed.