May naiambag ba si Catriona Gray sa ating ekonomiya?

0
1607
Sulat ni R. Galvez
May ilan na nagsasabing bakit ang mga Pilipino ay mahilig sa patimpalak sa pagandahan samantalang maraming problemang kinakaharap ang Pilipinas.
Ang kahirapan sa bansa ay nasa mataas na antas pa rin. Ang pag-akyat ng presyo ng mga bilihin o ang inflation ay biglang tumaas noong mga huling buwan ng 2018. Ang pag-angat ng ating ekonomiya ay bumagal. Kaya naman palaisipan ng ibang bansa kung bakit tayo natutok sa mga bagay na hindi naman ikagaganda ng ating pamumuhay.
Unang-una sa lahat, mali ang konklusyon na walang magandang epekto ang mga patimpalak sa pagandahan. Sa sikolohikal na aspeto, ang pagkapanalo ni Catriona Gray at ng iba pa nating mga beauty queens ay nakakatulong sa pagkabuklod-buklod ng ating mga mamamayan. Nakakalimutan natin ang ating hidwaan at pagkawatak-watak. Kahit sa panandalian lamang, nagiging iisa ang ating diwa at mga hangarin.
Copyright © IMG Universe LLC
Sa aspetong pang-ekonomiya naman, inaasahan na malaki ang maiambag ng pagkapanalo ni Catriona Gray. Katulad ng pagkasikat ni Albert Andrada, ang nagdisenyo ng gown ni Pia Wurtzbach, inaasahan na sisikat din si Mak Tumang na syang nagdibuho ng gown ni Catriona Gray. Sa katunayan, maraming gawang Pilipinong gown ang ginamit noong Miss Universe 2018. Si Miss Ecuador Virginia Limongi ay sumuot ng gawa ni Mark Bumgarner. Si Miss Canada Marta Stepein naman ay gamit ang Michael Cinco gown.  Si Joey Galon, isang US-based na Filipino designer, naman ang nagdesinyo ng suot ni Miss Belize Jenelli Fraser.
Ang listahan ng mga gawang Pinoy na gown sa Miss Universe 2018 ay tila napakahaba. Kasama na rito ang mga suot nina Miss Japan Yuumi Kato (gawa ni Joel Escober), Miss Kenya Wabaiya Kariuki (gawa ni Jian Lasala), Miss New Zealand Estelle Curd (gawa ng Iloilo-based designer na si Sidney Eculla, Miss Nepal Manita Devkota (gawa ng House of Bea Bianca), Miss Nicaragua Adriana Paniagua (gawa ni Benj Leguiab IV), Miss Malta Francesca Mifsud (gawa ni Ivanka Hipolito), Miss Cambodia Rern Sinat (gawa ni Rian Fernandez at Miss Guam Athena McNinch (gawa ni Paolo Blanco).
Ang sunod-sunod na pagkapanalo ng mga Pilipina sa pandaigdigang patimpalak sa pagandahan ay inaasahang makakatulong sa ating mga lokal na taga-disenyo. Sa ganitong paraan lalago ang ating industriya sa larangan ng moda at estilo. Hindi nagkamali ang mga Pilipino na tutukan ang patimpalak sa pagandahan. Maliban sa ito ay pwedeng ipagmalaki natin, nagdudulot din ito ng positibong epekto sa ating bansa. Ang pagkapanalo nina Lara Quigaman, Karla Henry, Bea Santiago, Jamie Herrell, Megan Young,  Mutya Datul, Angelia Ong, Kylie Versoza, Karen Ibasco, Pia Wurtzbach at Catriona gray ay tunay na may malaking naiambag sa ating ekonomiya.