Huwag mabahala, sa halip magtiwala

0
1019

Ang pagpasok ng Pilipinas sa Top 5 ng Miss Universe noong mga taong 2010, 2011 at 2012 ay hindi isang uri ng tsamba lamang. Yun ay pinaghirapan ng maraming tao mula sa pagdesignyo ng mga damit, pa-eensayo araw-araw upang mahubog ng wasto ang katawan at walang humpay na pagpraktis sa pagsagot sa mga samu’t saring mga tanong. Kaya ang pagkabahala ng mga Pilipino sa mga unang larawan ni Ariella Arida mula Moscow ay walang basehan.

 

Kahindik-hindik ang mga negatibong puna ng karamihan sa atin. Hindi man lang isinasaalang-alang ang iba’t-ibang salik. Una, ang mga larawan ay hindi basehan at sukatan kung sino ang papasok sa Top 16. Maaalala natin noong nakaraang taon na maraming magaganda sa mga larawan ang naligwak. Sa preliminaries sinusukat ang mga pasok at ligwak at hindi sa mga swimsuit photoshoot. Ikalawa, si Ariella ay sadyang hindi photogenic. Malayo ang hitsura nya sa mga larawan kaysa totoong buhay.

 

Marapat na antayin natin ang magiging kakalabasan ng preliminaries. Doon natin sukatin ang kakayahan ni Ariella. Dapat maniwala tayo sa kakayahan ng Bb. Pilipinas, ni Madam Stella Araneta at ni Jonas Gaffud. Atin ding balikan ang 2012 kung saan si Janine ay binato ng maraming kritisismo pero sa huli siya ay pumangalawa kay Olivia. Maniwala tayo na magiging bongga ang ipapamalas sa atin ni Ariella sa darating na preliminaries.

 

Ang mata ng boong mundo ay nakatutok sa Pilipinas dahil nasa atin ngayon ang korona ng Miss World. Malaking sash factor na ito, ‘ika nga. Kaya kung meron mang manglait kay Ariella huwag na lang nating pansinin. Kung meron mang magbigay ng negatibong pananaw, huwag na nating patulan at magpahawa. Gaya, sa Miss World, mukhang sa atin ang huling halakhak.

ariellaatbulgaria

 

Si Ariella kasama si Miss Bulgaria