|
|
||||
|
Isang Pagpugay Kay Jennifer Barrientos - Bb. Pilipinas-Universe 2008 ni Rejelyn Deypalubos
Hindi maikakaila na maraming Pilipino ang nadismaya nang hindi nakapasok si Jennifer Barrientos sa Top 15 sa ginanap na Miss Universe 2008. Marami ang nagtatanong kung saan na nga ba patutungo ang Pilipinas sa larangan ng patimpalak sa pagandahan.
Unang-una, hindi natin masisisi ang ating mga kababayan na madismaya. Noong Miss Universe 1994, nang tinawag si Charlene Gonzales bilang isa sa mga Top 10 semi-finalists, sinabi ng isang commentator na sa Pilipinas they take beauty pageants seriously. Ikalawa, nasanay kasi tayo noong dekada '70 at '80 na parating nakakapasok ang Pilipinas sa semi-finals ng Miss Universe. Sa ngayon, ang Pilipinas ay mukhang kulelat kung ikumpara sa ating mga karatig- bansa sa Asya na noon pa man ay humahanga sa ganda ng Pilipina. Sa totoo lang, negatibo ang naging simula ng taong 2008 sa larangan ng patimpalak sa pagandahan para sa Pilipinas. Ang iskandalo sa Bb. Pilipinas 2008 kung saan marami ang nagtatanong kung bakit nanalo ang isang kandidata na hindi marunong sumagot sa tanong ng hurado, ay ang panimula nito. Kaya marami ang nagtuturing sa mga nanalo sa Bb. Pilipinas 2008 na bilang sa isa sa pinakamahina sa kasaysayan ng patimpalak sa pagandahan sa Pilipinas. Ang ganoong uri ng pag-iisip ay nakakaapekto kay Jennifer. Una, medyo mahina ang suporta ng mga Pilipino sa kanya kumpara sa suporta na ibinigay sa mga kandidata ng Pilipinas noong mga nagdaang taon. Kaya hindi nanalo si Jennifer sa Best in National Costume kahit na noon pa man basta may botohan sa internet, Pilipinas ang nangunguna. Ngunit si Jennifer ay patuloy na lumaban at ipinagmamalaki niya ang kanyang bansa. Medyo naging sentro siya ng atensyon noong sa simula pa lamang nang nagkamali ang baybay ng kanyang suot na sas. Sa halip na Philippines ito ay naging Phillippines. Hindi pa matukoy kung sino ang nagkamali pero kung ang pagkakamali sa ispeling sa wikang Ingles ang pag-uusapan, Vietnam marahil ang nangunguna sa Timog-Silangang Asya. Makikita sa Nha Trang – ang pinagdausan ng Miss Universe 2008, ang mga katagang Pots Oficce (para sa Post Office) or Motobike Forent (sa halip na Motorbike For Rent). Sa isang panayam ng Missosology, sinabi ni Jennifer na medyo sumama ang kanyang loob dahil doon sa sas. Pero no'ng sumunod na mga araw ay humingi din ng paumanhin ang Miss Universe Organization sa kanya at nagpalabas pa ito ng opisyal na pahayag.
Ano ba ang naging kalidad ng pagganap ni Jennifer sa Miss Universe 2008? Noong preliminary competition, hindi pahuhuli si Jennifer sa rampahan. Maganda ang suot n'yang gown at maganda rin ang hubog ng kanyang katawan sa swimsuit. Ngunit hindi ito sapat para makapasok siya sa Top 15. Marami sa mga delegada ang agaw-eksena. Kabilang dito si Miss Colombia Taliana Vargas na panay ang ikot ng palda ng kanyang gown. Si Miss Japan Hiroko Mima naman ay may dala pang bag. Sa 80 delegada, kinakailangang umiksena para mapansin ka ng mga hurado. Naging kontrobersyal ang resulta ng Top 15. Marami ang hindi sang-ayon sa hindi pagpasok ng mga malalakas na delegada katulad ng Panama, Puerto Rico, India at Trinidad at Tobago. Hindi rin sila sang-ayon sa pagpasok ng Ungaria, Hapon, Italya at Vietnam. Nang matapos ang patimpalak, may umiikot na score sheet na nagpapakita na ika-17 si Jennifer. Hindi namin mapatunayan kung totoo ito pero nandoon kami mismo sa Crown Convention Center nang ginanap ang preliminaries at masasabi namin na isa si Jennifer sa 20 delegada na maganda ang ipinamalas. Matapos ang Miss Universe 2008, aming tinanong si Jennifer sa pamamagitan ng Friendster, tungkol sa kanyang pagganap bilang Miss Philippines. Sumagot siya na sya ay nasiyahan sa kanyang pagganap, ginawa niya ang lahat na kanyang makakaya at wala siyang pinanghihinayangan. Tinanong din namin siya kung papasukin ba niya ang showbiz. Wala siyang direktang tugon dito at sa halip ay sinabi lamang ni Jennifer na may kontrata pa siya sa Bb. Pilipinas hanggang Setyembre 2009 at kung ano man ang plano ng Bb. Pilipinas ay hindi pa niya alam. Idinagdag pa niya na pagkatapos ng kanyang kontrata, maaaring mas pagtutuunan niya ng pansin ang pagiging modelo. At ang kanyang huling mensahe sa wikang Ingles: Thank you so much for all your prayers and support. I may not have the crown on my head but I feel like a winner because of people like you who believes in me. God Bless You! :) Mabuhay ka Jennifer at aming ikinararangal na ikaw ang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2008!
|
||||